Hindi na kinakailangang bumiyahe pa sa tanggapan ng PhilHealth ang maraming estudyante at kawani ng Mindoro State University Victoria Campus upang makapagparehistro, makapag-update ng kanilang membership records, at malaman ang mga benepisyong maaari nilang matanggap sa ilalim ng PhilHealth. Ito ay matapos ilapit ng PhilHealth Regional Office IV-B Local Health Insurance Office (LHIO) Oriental Mindoro ang YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program) Orientation at PhilHealth Registration at Updating of Member Data Records (MDR) sa MinSU Victoria Campus noong Agosto 3, 2026.
Layunin ng inisyatiba na tiyaking mas maraming miyembro ng komunidad ng MinSU ang may sapat na kaalaman at agarang access sa mga serbisyong pangkalusugan ng PhilHealth, nang hindi na kinakailangang lumabas pa ng kampus upang asikasuhin ang kanilang membership.
Pinangunahan ni Mr. Ruel Caringal, Social Insurance Assistant I at Information and Marketing Officer ng PhilHealth LHIO Oriental Mindoro, ang YAKAP orientation. Tinalakay niya ang layunin ng programa, ang mga benepisyong maaaring matanggap ng mga miyembro at kanilang mga dependent, gayundin ang tamang proseso ng pagpaparehistro at paggamit ng serbisyo.
Ipinaliwanag niya na lahat ng rehistradong miyembro ng PhilHealth ay maaaring mag-avail ng YAKAP matapos makapagparehistro sa programa sa pamamagitan ng eGov App o sa tulong ng mga tanggapan ng PhilHealth. Kabilang sa mga benepisyong maaaring matanggap ang libreng konsultasyon sa mga accredited YAKAP providers, laboratory at diagnostic tests batay sa assessment ng YAKAP doctor, at libreng gamot sa ilalim ng PhilHealth GAMOT Program.
Matapos ang orientation, nagsagawa rin ang PhilHealth ng on-site registration at updating ng Member Data Records sa Audio-Visual Room ng MinSU Victoria Campus sa pangunguna ni Ms. Ma. Neresa C. Reganit, RN, MBA, PhilHealth Provincial Head.
Sa loob lamang ng isang araw, matagumpay na naiproseso ang mga aplikasyon ng mga kalahok. Agad na naibigay sa mga bagong rehistradong estudyante ang kanilang PhilHealth ID, habang natanggap naman ng mga nagpabago ng kanilang impormasyon ang kanilang na-update na Member Data Record (MDR).
Sa pagsasagawa ng orientation at registration sa loob mismo ng unibersidad, naging mas mabilis at mas maginhawa para sa mga estudyante at kawani ang pag-access sa mga serbisyo ng PhilHealth. Higit sa lahat, mas naging handa silang mapakinabangan ang mga benepisyong pangkalusugan na maaaring makatulong sa oras ng pagkakasakit o iba pang pangangailangang medikal.
Kasunod ng matagumpay na aktibidad sa Victoria Campus, nakatakdang isagawa ng PhilHealth ang YAKAP Orientation at registration sa MinSU Bongabong Campus sa Agosto 10 at sa MinSU Calapan City Campus sa Agosto 17 upang mas marami pang miyembro ng pamantasan ang mabigyan ng impormasyon at serbisyong pangkalusugan. (kpic)
#SDG3 #SDG10 #SDG16
302 Staff
10531 Students
9 Colleges
3 Years